Injured | Killed |
---|---|
0 | 1 |
Date: 09 February 2013
Source: Remate.ph by Alex Ching Feb 9, 2013 2:13pm HKT
NAGWAKAS ang pamamayagpag ng isang lider ng Amiril Drug Group matapos nang mapatay matapos pumalag sa mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP), habang nadakip naman ang asawa nito at dalawang miyembro sa sindikato sa Patikul Sulu noong February 08, 2013 in Patikul, Sulu.
Namatay habang isinusugod sa Sulu Provincial hospital si Sadjari Amiril, alias Salip Amiril, 56 anyos, lider ng Amiril Drug Group, sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa ibat-ibang parte ng kanyang katawan. Arestado naman ang kanyang asawang si Isnira Amiril, at mga miyembro na sina Ajan Akdam, 39, residente sa Goddiness, Patikul, Sulu; at Dadang Sainuddin, 34, ng Panamao, Sulu.
Ayon kay Usec Arturo G. Cacdac, PDEA Director General, dati nang nahuli ang mag-asawang Amiril dahil sa paglabag sa anti-drug law ngunit nakapagpiyansa sa kanilang kaso sa RTC branch 13 sa Zamboanga City. Muling nahuli si Sadjari Amiril ng PDEA Metro Manila Regional Office (PDEA MMRO) noong July 2008 dahil din sa kaparehong kaso at kasong kidnapping at frustrated murder sa Zamboanga City.
Sa bisa ng warrant of arrests, sinalakay ng mga awtoridad bandang alas 2:15 ng madaling araw ng Feb. 8, 2013 ang bahay ng mag-asawa para isilbi ang dalang warrant sa tulong ng puwersa ng PNP Special Action Force 5th Battalion at Sulu Provincial Police Office.
Imbes na sumuko, bumunot ng kalibre .45 baril si Sadjari at itinutok sa mga operatiba. Dahil dito, pinagbabaril ng mga awtoridad ang biktima hanggang sa mapatay.
Nakumpiska rin sa bahay ng mga Amiril ang matataas na kalibre ng baril kabilang ang isang 5.56mm M16A1 rifle, isang grenade launcher na may 11 live ammunitions, 21 long steel loaded magazines, isang cal. 45 Paraordnance hi cap, 4 M14 steel magazines na may 69 na live ammunitions, isang kalibre .45 Ruger P89, isang cal.38 Viper,isang fragmentation grenade, at walong mobile phones.
Maliban sa kasong droga na kinakaharap, kakasuhan din si Isnira Amiril ng illegal possession of firearms and ammunition, illegal possession of explosives. Ang mga suspek ay nakapiit ngayon sa Jolo Municipal Police Station.