1 patay, 2 sugatan sa magkahiwalay na pamamaril sa Zamboanga City

Injured Killed
2 1

Date: 30 January 2013
Source: Bombo Radyo

ZAMBOANGA CITY – Isa ang patay habang dalawa pa ang sugatan sa dalawang magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa Zamboanga City.

Nasa loob lamang ng kanilang bahay sa Barangay Lubigan ang isang magsasaka na kinilalang si Rommel Bentosa Evangelista nang pasukin ng isang armadong lalaki saka binaril ang biktima.

Ayon sa hepe ng Zamboanga City police station 2 na si C/Insp. Ricardo Garcia, nagtamo ng maraming tama ng bala sa katawan ang biktima kaya hindi na rin ito umabot pa ng buhay sa ospital.

Personal na galit ang isa sa nakikitang motibo ng mga otoridad sa pagpaslang sa biktima.

Samantala, sugatan din ang isang negosyante at isa pang kasama nito makaraang tambangan ng dalawang riding-in-tandem gunmen sa may highway ng Barangay Putik bandang alas-3:45 ng umaga.

Kinilala ng pulisya ang negosyanteng biktima na sina Jeffrey Yunsay Borcial, 39, at ang kasama nito na si Erlito Salud Lapus.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na nakasakay ang mga biktima sa kanilang multicab at pagdating sa lugar ng insidente ay bigla na lamang pinaulanan ng bala ng hindi nakikilalang suspek.

Kaagad namang nakahingi ng tulong ang dalawang sugatan biktima sa ilang Police Community Assistant Center (COMPAC) na ilang metro rin lamang ang layo mula sa pinangyarihan ng insidente subalit nakatakas ang mga suspek.

Kasalukuyang naka-confine ngayon sa isang pribadong ospital ng lungsod ang dalawang biktima. (MRDS)